Saturday, July 12, 2008

The CSB Experience 2: Mga Batang Kalye ATBP (Inspired by a multiply blog)

(My first all-Filipino blog after a long while)
   

    May nabasa akong blog mula sa isa sa mga contacts ko kani-kanina lang tungkol sa karansan niya habang nakasakay siya sa isang jeep sa Taft. may mga batang biglang umangkas at nanghihingi ng limos, pambili lamang ng mga kagamitan nila para sa eskuwela. Kung ibang tao ang nasa katayuan niya, malamang hindi sila magbibigay ng kahit anong limos sa kanila. Ang madalas na kadahilanan ay marahil maaring hindi totoo ang mga nais ng mga batang kalye na ito at posibleng ginagamit sila ng isang sindikato (Naaalala ko tuloy iyung palabas sa TV noon, iyung "Mga Anghel na Walang Langit").

    Sa aking mga karanasan, medyo napapaisip-isip rin ako kung dapat bang pagkatiwalaan ang mga ganitong mga tao na namumuhay sa ilalim ng nakakaaalipustang puwersa na kung tawagin ay "Kahirapan". Ang dami kong mga nakikitang mga pulubi sa mga kalye, abenida, at mismong sa aming subdibisyon. hati ang sarili mo, hindi mo alam ang gagawin pero hindi sa isip ang laging masusunod kung hindi ay ang sariling puso.

    Sa tuwing naglalakbay ako patungong Monumento, marami akong mga nakikitang mga batang lansangan, ilan walang sinusuot na saplot pang-itaas, ang iba tumatambay sa mga establisimiyento, at ang iba ay pawang nakakalat tlaga sa daan.

    May naabutan ako madalas na tatlong matatandang pulubi. Ang unang dalawa ay nakikita ko sa Avenida Rizal habang ang isa naman ay naabutan ko sa sakayan ng mga jeep katabi ng Nice Hotel. Nakaawa ang kanilang mag sitwasyon: Ang isa ay matandang babae, nakakuba halos ang katawa't nakasuot ng duster. Umiiyak habang ipinahihiwatig niya gamit ang kaniyang mga kamay na siya ay gutom at kumakalam na ang kanyang tiyan. Ganoon din ang sitwasyon ng isang matandang lalaki: Nakasalamin at laging nakaupo sa isang plastic na upuan sa harap ng isang appliance store.Sa isang kamay ay may hawak siyang tungkod habang ang kabila ay naglilimos ng barya't pagkain. Ang pangtlong matanda na aking nadadatnan ay paminsan-minsa'y nasa sakayan ng jeep, lumalapit sa mga taong nagaantay ng masasakyan, nanghihingi ng limos at habang ang isa niyang kamay ay nakhawak sa kaniyang tiyan para ipahiwatig na siya ay nagugutom.

    Wala ring pinagkaiba sa nakikitang kong kahirapan sa tuwing ako ay nasa Taft. Maraming mga batang kalye ang nakakalat sa daan, lalo sa harapan ng St. Scho. Ang nakakalungkot ay, sa murang edad ay mulat na sila sa realidad ng buhay, kawalan ng pag-asa ay tinakip ng isang bibong ngiti. Nagiging bukas rin sila sa mga masasamang bisyo: pagyoyosi at pag-iinom ang kanilang kinahumalingan. Ang mga matatanda ay wala ring pinagkaiba sa mga nakikitan ko sa Monumento. May isa na mukhang wala na sa kaniyang sarili, namumuhay sa pangongolekta ng mga basurang iniiwan ng mga estudyante at sa pagpupulot ng nakalitang sigarilyo na gamit na't tinapon sa kalye. May mga mag-ina at maglolang pulubi na tumatambay sa hagdanan ng Vito Cruz Station ng LRT, talagang pinapakita nial ang kanilang mga anak o apo na umiiyak sa kumakalam na sikmura para maawa sa kanila ang mga umaakyat. Ewan ko ba kung ano ag dapat kong isipin kaya pinipili kong huwag sila pansinin.

    Sa tuwing pagsakay ko ng dyip, lagi kong nadadatnan ang mga batang lansangan. Kalat na kalat, walang pulis o kahit sinong taong may awtoridad sa lugar para paalisin ang mga batang ito sa mga lugar na ito. Walang magulang para gabayan nila ang kanilang mga anak. May ilan pa nga ako nakikita na mahilig umangkas sa mga pasaherong jeep o pribadong sasakyan, walang takot na baka sila madisgrasya. Mga batang kusang pumapasok sa mga jeep at naglilinis ng mga sapatos ng mga pasahero tapos deretso limos bilang pambayad. Ayoko ng mga nakikita ko.

    Samantala, maging ang aming lugar hindi rin ligtas, maigkakaila na dumararami ang bilang ng mga batang kalye dala ng di makontrol na paglipat ng mga ilang taga-lalawigan sa Kamaynilaan lalo sa aming subdibisyon na nakakranas ngayon ng pag-usbong ng populasyon nito. Minsan may 2 bata na kumakatok aming gate, nanghihingi ng makakain, o kaya nanghihingi ng mga boteng puwede nila ibenta sa junk shop. May mga pagkakataon na nadoon sila para bigyan serbisyo ang pagtatapon namin ng aming basura kapalit ng maliit na salapi (nagiipon daw sila ng pera para hanapin ang nawawalang kaibagn na taga-subdibisyon din). Ngunit imbes na tulong at grasya ang kanilang natatanggap, galit at pag-aalipusta ang nakukuha nila lalo na kung galing ito sa papa ko. Isinisisi niya ang kawalan ng paggabay ng mga magulang nito kung kaya nagiging mga pulubi.

    Lagi niyang sinasabi na lagi kaming maging maingat sa mga taong katulad "nila". Huwag daw sila pagkatiwalaan dahil ginagamit lamang siguro sila ng mga sindikato at marahil mga isnatser sila. Pati daw ang mga mag-iina't maglola na nakikita ko sa daan ay diumano'y nagpapakitang gilas lamang para makuha nila ang awa ng mga tao. Mga walang pinag-aralan, mga hindi dapat bigyan ng aming tiwala, kanyang kuwento sa amin.

    Ayoko maniwala sa  mga sinasabi ko sa tatay ko pero mukhang may katotohanan ang kanyang mga sinasabi. Hindi ako naninwala nga lang na wala nang pag-asa para mabago ang mga kapalaran ng mga batang lansangan, mga palaboy't pulubi. Kung sana may mga tao na ganoon din ang kanilang paniniwala, marahil may pag-asa pa na mabago ang lahat. Marahil hindi kopa panahon pero sinisiguro ko na hindi magiging ignorante ang aking mga magging mga anak at maging gabay sila sa kanila.

    Sana magsilbi tayong liwanag sa mga taong namumuhay sa kadiliman, malaman sana nila na sa laban ng buhay, ay may taong tutulong.

No comments:

Post a Comment