Sunday, January 11, 2009

M.M.K.~May Magagawa Ka!

     May palabas noon ang QTV, pangalan nito ay "May Trabaho Ka!". Isa itong reality job-search with a twist. Lahat ng mga aplikante ay nangangailangan na mag-undergo sa iba't ibang mga pagsubok, at isa-isa silang binabawasan hanggang ang isa sa kanila ay tanggap sa kanyang inaaplayang trabaho. Kamakailan rin ay nagkaroon ng name change kung saan ang show ay naging kilala sa pangalan ng "Hired!".

    Nung nagsisimula pa lang ang MTK, inisip ko noon na gumawa ng isang counterpart version ito sa isang made-up male equivalent ng QTV, ang KTV. Ang katapat na show nito kuno ay ang MMK: May Magagawa Ka! Ang premise nito kuno ay, ang mga contestant ay mga trabahao na sa iisang propesyon. Bibigyan sia ng pagsubok kung saan pag-iisipan nila kung ano ang maari nilang gawin sa binigay na pagsubok o sitwasyon. Ang walang magawa ay sisibakin sa trabaho at ang may ginawang tama sa lahat ng mga pagsubok ay maaring ma-promote o mapanatili ang kanyang trabaho. Hehehehe.

          Inisip ko ito minsan. Paano kaya kung nagkaroon ako ng trabaho at kumikita ako ng sarili kong salapi? Siyempre kinokonsidera ko na nag-aaral pa ako pero maari pa rin naman ako magtrabaho tuwing bakasyon para wala akong conflict sa pag-aaral, hindi ba? Ayoko kasi na lagi akong umaasa sa mga magulang ko lalo pa na ang mga pangangailangan ko sa aking pag-aaral ay lubos sa sobrang mahal. Ayaw ko na pahirapan ko pa sila. Maari ba nila akong bilhin ng sarili kong mga kasangkapang pang-potograpiya na naghahalaga nang libu-libong piso? Exaj oo pero sana unawain ninyo ang punto ko sa pinag-uusapan dito.

       Nung sina-ggest ko to sa mga magulang ko, agad na hindi pumayag ang papa ko. Akala niya na hindi sapat na pinag-aaral kami nila gamit ang sarili nilang puhunan. Pero binigyang rason ko na hindi naman para may pantustos ako sa pag-aaral pero para na rin may karanasan ako kahit hindi muna full-time. Hindi man lang niya ako binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag pa dahil inireiterate pa niya na hindi ni isa sa'ming magkakapatid ang magtatrabaho habang kami ay nag-aaral pa. Dadag pa niya, na kapag tapos na kami at nagpakasal na kami at magkaroon ng kani-kaniyang pamilya, doon lamang kami magtatrabaho sa nalalabing taon ng buhay namin.

      Base sa mga salitang ipinataw ng papa ko, masakit tanggapin ang mga sinabi niya. Siyempre lahat ng tao ay mangangailangang magtrabaho para mabuhay pero habang maaga pa naman ay maari naman na maranasan ang magkarooon ng trabaho (totoong trabaho) at kumita ng sariling pera. Gusto ko na masanay ang sarili ko bilang isang responsableng tao pagtanda na may kalayaan at kamalayan. Hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko pero hindi niya maari diktahan sa'kin kung ano ang dapat gawin ko para sa buhay ko. Hindi rin maari na bawalin ang mga bagay na sa tingin niya ay hindi nakabubuti sa'kin sa lahat ng pagkakataon, lalo kung sa mga pagkakataong iyon ay wala talagang basehan.

         Halimbawa, higpit niyang pinagbawalan ako na bumili ng sarili kong camera sa Quiapo dahil baka dukutan ako ng magnanakaw, pero puwede naman na pumunta ako na nag-iingat. Puwede ako doon pumunta na wala masyadong dalang gamit bukod sa pamasahe na nakatago sa lihim na bulsa ng aking salawal. Pero hindi, nanaig ang gusto niya at binili lang nila ako ng camerang mas mahal pa kaysa sa mga nabibili sa Quiapo na bukod sa original at di-smuggled ay reasonably kasya sa bulsa. Sa madaling salita, wala siyang tiwala sa'kin, ang pinakamasakit na bagay na malaman ng anak mula sa sarili niyang magulang.

     Ano ba ang tiwala? Isa itong kasunduan kung saan binibigay ng isang tao ang kanyang respeto at walang pag-aalalang pagbibigyan ng pagkakataon na patunayan nang isang pang tao ang kanyang kakayahan bilang isang indibidwal na walang kamalian at pagkabigo. Nasisira ang tiwalang iyon kapag nilabag ang respetong inilaan para sa'yo, bumigo ka't di mo pinatunayan ang kakayahan mo sa taong nagbigay sa'yo ng tiwala.

    Sa kaso ko, hindi na ako pinagkakatiwalaan ng tatay ko bago pa man akong may mapatunayan sa kanya, maski man lang may gagawin para ma-earn ang tiwalang iyon sa kanya. Paano matututo nang isang anak ang realidad ng buhay kung hindi siya binigyan ng kanyang magulang nang sapat na tiwala para maranasan ito na walang pag-aalinlangan? Hindi lalaki kamalayan nito kung ganoon ang magiging kaso.

     Gusto ko magkaroon ng pagkakitaan kahit man lang sa loob ng eskuwelahan bilang panimula. Ang alam ko, maari ang estudyante na magtrabaho basta mapanatili lamang ang kanyang mga grado sa katanggap-tanggap na level kapalit na magiging sahod niya sa kanyang trabaho. Iyon o di kaya isang summer job para wala na ang hassle sa pag-aaral.

Sana naman hindi na magmatigas ang sarili kong ama dito. Sana pagkatiwalaan man lang niya ako. Lahat naman ng mga gusto niya sinunod ko para sa kanya. Hindi na ako nag-Fine Arts kasi gusto niya na pumasok ako sa kursong makapagbibigay kaagad sa'kin ng trabaho kaya nakompromiso ang mga sarili kong pangarap dahil sa nais niya. Masaya naman ako sa kinatatayuan ko pero ayokong isipin na kagustuhan niya ito kasi desisyon ko ito at hindi ito nanggaling sa kanya.

Mahal ko siya at alam kong mahal niya rin ako. Pero bilang ama, pabayaan na dapat niya na tumayo sa sariling mga paa ang kanyang anak. Ang maari niya lamang gawin ay magsilbing gabay sa kanya at ilaan sa kanya ang mga daan ng kanyang pagdadaluyan. Mula doon, bahala na ang anak na matuto, magkamali, bumangon, at bumawi sa kanyang sarili.

Siguro hanggang pangarap na lang iyon. Malamang na magkakaroon lamang ako ng pagkakataon na magkatrabaho kapag tapos na ako sa pag-aaral.

Di bale, may magagawa pa rin ako para makamtan ang mga hangarin ko. Hindi lamang ito para sa'kin pero para na rin sa magulang ko. :)

No comments:

Post a Comment